'Praybeyt Benjamin,' niluluto na ang part 2


“Unkabogable” talaga ang "Praybeyt Benjamin." Kagabi, may victory party ang cast.

Tuloy kasi sa pagtabo sa takilya ang highest grossing Filipino film of all time na umabot na sa P327 million.

“Hanggang ngayon cloud 9 pa rin ako. First week pa lang malala na ang pakiramdam ko eh, hanggang ngayon ayaw huminto. Ayaw pa rin paawat ng ‘Praybeyt Benjamin’,” sabi ni Vice.

Dahil sa pambihirang tagumpay, nakakasa na ang part 2.

Kaya naman pressured na rin ang box office director Wenn Deramas.

“Alam naman natin na kapag sa ibang bansa kinunan, mahal at madugo pero ‘yun ‘yung magandang parte doon,” sabi ni Direk Wenn.

May request naman si Vice sa gusto niyang susunod makasama sa pelikula.

“’Yung mga bata na sikat ngayon. Sina Xyriel at Zaijian, para maiba naman,” sabi ni Vice.

Magkahalo naman ang emosyon ni Xyriel Manabat sa pagtatapos bukas ng top rating serye na “100 Days To Heaven.”

“Mami-miss po namin ang isa’t-isa kasi parang family ko na sila,” sabi ni Xyriel.

Bukod sa mga kapanapanabik na eksena sa pagtatapos bukas, inaasahan din ang paglitaw ng mga sikat na artistang naging bahagi ng teleserye.

Bookmark and Share